nakapila ako para sa ticket nang sumabog yung bomba. malakas ang naging pagsabog. umalingawngaw sa loob ng gusali at niyanig palapag na aking kinatatayuan. agad kong naisip, 'salamat sa Diyos, buhay pa ako'
nakapagbilang ako ng tatlo bago nahimasmasan ang mga tao sa paligid. marami ang nagkandakaripas ng takbo. may iba na napaupo na lang at umiyak. ang iba hawak hawak ang kanikanilang mga cellphone. sa simula gusto ko rin sanang tumakbo at lumayo sa lugar na yon, pero nang makita ko ang mga tao na nagsusumiksik sa kaisaisang labasan, mas minabuti ko na humanap na lamang ng isang sulok. duon sa sulok ako ay nagmasid sa mga susunod na maaring mangyari.
ilang sandali lang ay nagsimula nang mapuno ng maitim na usok ang istasyon. sunog marahil. habang pababa ako ng istasyon, natanaw ko ang mga tao sa labas, tumatakbo na animo ay walang patutunguhang direksiyon. nakakatakot. lahat ng mga tao ay natataranta, nakapadaling samantalahin ng kung sino man ang nagpakana ng gulong ito.
dumaan ako sa ilalim ng istasyon. kaunti lang ang tao dun. magiging madali ang maglakad papuntang pasay road, sumakay ng bus papuntang ortigas palayo sa lugar na ito. pagahon ko sa edsa, nakita ko ang pinagmumulan ng itim na usok. isang pampasaherong bus na tuluyan nang nilamon ng apoy. natigilan ako at sa ikalawang pagkakataon nagpasalamat na walang nangyari sa akin. nagalay na rin ako ng panalangin sa kung sino man ang naiwan sa loob ng bus na yon.
nakasakay ako ng bus sa ayala. mabuti naman at mabilis ang naging biyahe mula ayala hanggang ortigas. nagkita kami ni tess sa megamall sa napagusapang oras at di ko siya gaanong napagalala. mabilis kaming kumain ng hapunan at agad na bumiyahe pauwi.
gusto ko pa naman sanang matulog sa bus. di ko na magawang umidlip. kailangan nang maging listo sa bawat biyahe.